Isa sa pinaka-paboritong bundok ng mga bundukero, adbyenturista o kahit ng iskursiyunista, ay ang Bundok Batulao sa Nasugbu, Batangas. Sino ba naman ang hindi mabibighani sa ganda ng bawat hugis ng Batulao. Makikita mo ang mala-roller coaster na trail paakyat ng tuktok nito. Sa tuktok ay makikita mo ang kabuuan ng Tagaytay, Calatagan, tubigan ng Nasugbu at Balayan, kabundukan ng Maragondon, Mt. Talamitam at Mt. Maculot.
Makalipas ang ilang taon ay binalikan ko ang bundok na ito. Marami rin akong pagbabagong napansin. Ang kagandahan ay di tulad ng dati, wala na akong nakitang nagkakaingin at nag-uuling. Siguro ay natuto na at naintindihan na ng mga lokal ang sama na dulot ng ganitong gawi. Sa aking pagbabalik ay nakasama ko ang mga dati kong kasamahan at matalik na mga kaibigan, at mga bagong kaibigan sa kalikasan. Maaga kaming nagkitakita sa gate ng Evercrest at bago mag-alas otso ng umaga ay sinimulan na namin ang akyatan. Ginamit namin ang tinawag na New Trail at pababa naman sa Old Trail kaya masasabing nilibot namin ang kabuuan ng Mt. Batulao. Masarap at masayang kwentuhan sa trail lalo na at nababalikan ang mga nakatutuwa at masayang luma at bagong karanasan. Sa Camp 8 ay pinagsabay na namin ang agahan at tanghalian, siguro para makatipid na rin sa oras. Maraming kodakan at kulitan ang nangyari habang nasa daan. Bago mag-alas onse ng umaga ay nasa tuktok na kami ng Peak 10, pero naunsyami ang aming piktyuran dahil bumuhos ang malakas na ulan. Ilang minuto rin kaming naghintay na tumila pero naisipan na rin naming bumaba ng lalo pang lumakas ang ulan.
Pababa ay nadaanan namin ang ilang grupo na kahapon pa raw nag-camp at marami ding paakyat pa lang na animo'y may pyestang pupuntahan. Sa dami ng taong umaakyat ng Mt. Batulao ay masasabi kong isa itong "peborit". Bakit hindi, ay isa ito sa madali at malapit na puntahan ng mga taga- Maynila at mga taga-Timog Luzon katulad ko.
Bagaman at di kahalintulad ng ilang kabundukan ang bundok Batulao ay walang kagubatan sa halip ay madawag na damuhan mula ibaba hanggang itaas. Gayunpaman, ito ang nagsisilbing bintana mo upang masilayan ang kabuuang hugis ng kanyang kabundukan na sadya namang kalugod-lugod. Kung ako ang tatanungin, masasabi kong ang bundok Batulao, kahit saan mo tingnan ay talaga namang super "sexy"!
Mga paalala at gabay sa pagpunta:
Kung manggagaling ng Maynila, sumakay ng bus papuntang Nasugbu, Batangas. Kung manggagaling naman ng Timog Katagalugan ay samakay papuntang DasmariƱas, Cavite o kaya ay Tagaytay. Sumakay muli patungong Nasugbu, Batangas at bumaba sa harap ng Evercrest Golf Course. Mula dito ay maaaring lakarin o sumakay ng tricycle patungong jump-off .
Mararating ang peak sa loob ng isa't kalahating oras kung dadaan sa tinatawag na New Trail. Sa regular na Old Trail ay aabutin ng dalawa hanggang dalawa't kalahating oras. Makukuha ng dalawa hanggang tatlong oras ang kabuuan ng trail kung aakyat gamit ang New Trail at bababa gamit ang Old Trail hanggang jump-off. Sa tag-init ay mag-suot ng damit proteksyon sa balat (long sleeves o arm cover, sumbrero o payong) dahil ang buong kahabaan ng trail ay bilad sa araw. Ang 2-3 litrong tubig ay sapat na sa isang dayhike, at mayroon namang watersource sa campsites.
Isa ang Mt. Batulao sa madali at kaaya-ayang adbentyur na gugustuhin mong balik-balikan. Kaya ano pa ang hinihintay mo....mag-aya ka na at sabihin mong tara..."Doon Tayo!"
Kung nais pa ng karagdagang larawan ay maaaring tingnan sa: